Umunlad ang pamumuhay ng mga tao noong panahong Neolitiko na nagbigay daan sa isang pagsulong at pag-unlad na tuluyang nagpabago sa pamumuhay ng mga tao. Basahin at alamin kung anong uri ng mataas na pamumuhay ang nakamit ng mga tao noong sinaunang panahon.
PAGSISIMULA NG PAGTATANIM AT PAG-AALAGA NG MGA HAYOP
Mga halamang ligaw ang karaniwang kinakain noon ng mga taong
NEOLITIKO. Karaniwang ginagalugad nila ito sa kagubatan, kapatagan at minsan sa mga matutubig na lugar. Dahil trabaho noon ng mga lalaki ang mangaso kaya pinaniniwalaan ng ilang eksperto na mga babae ang mga unang naging magsasaka. Sila kasi ang mga nakatoka sa panggagalugad at pangangalap ng mga halamang pagkain kaya pinapalagay na natuto silang magtanim nito mula sa mga butong nakukuha nila sa mga halaman. Dahan-dahang naganap ang mga pagbabagong ito, iniwan ng mga tao ang kanilang
"panggagalugad at Pangangasong" pamumuhay at nagsimulang magtanim at mag-alaga ng mga hayop. Natutunan na rin nilang mamuhay sa isang pamayanan habang lumalaki ang kanilang bilang. At habang palaki ng palaki ang kanilang bilang ay higit silang nagiging palaasa(dependent)sa pagtatanim at pag-aalaga ng hayop para matustusan ang kani-kanilang mga pamilya at buhay.
|
Mga ipong pagkain, butil, maunlad na sakahan at dami ng mga alagang hayop ang itinuturing na pag-aari noon ng mga neolitikong tao |
Sa panahong ito natutunan din ng mga tao ang pagiimbak ng pagkain. Natuto na rin ang mga taong tumira at manahanan sa isang pamayanan. Hinihinuha na dito na rin nabuo ang konsepto ng
"pamilya" at
"tahanan". Ang pamilya ay ang pinakamaliit na unit ng isang lipunan na binubuo ng ama, ina, at mga anak.
|
Mga alahas(bids)na natuklsan sa pamayanan ng Catal Huyuk |
Sa panahon ding ito nagsimulang maglibing ang mga tao ng kanilang mga mahal sa buhay na pumapanaw. Sinasabing sa loob ng kanilang tahanan nililibing ng mga taga Catal Huyuk, isang neolitikong pamayanan sa Anatolia Turkey ang kanilang mga namayapang mga mahal sa buhay. Natuklasan ding marunong nang gumawa ng mga palamuti sa katawan ang mga neolitikong tao sa Catal Huyuk gaya ng mga alahas na bato(bids)at iba pang mga pesonal na kagamitan.
Nagiimbak na rin sila ng mga pagkain, gumagawa ng mga palayok upang lagayan ng mga tubig at imbakan ng mga binhing itatanim sa susunod na taniman at imbakan na rin ng kanilang mga pagkain. Sa panahong ito rin nagsimula ang konsepto ng pagmamay-ari ng mga ari-arian, at dahil dito ay nagsimula na rin ang sistemang antas panlipunan.
|
Libingan na natagpuan sa loob ng tahanan sa Catal Huyuk |
Mababang uri ka ng tao sa lipunan kung wala kang pagmamay-ari at kakaunti ang iyong ari-arian.
Dahil may pamayanan na, nabuo ang konsepto ng pamamahala, isang lider ang pipiliin upang mamuno sa loob ng pamayanan. Sa panahon ding ito nabuo ang konsepto ng paggamit ng mga rebulto para sa pagsamba sa kanilang mga diyos-diyosan.
PAGUNLAD NG TEKNOLOHIYA NG TAO
|
Isang rebulto na natuklasan sa Catal Huyuk |
Ano mang bagay na ginagamit ng mga tao para makatulong at mapadali ang kanilang pamumuhay ay tinatawag na
TEKNOLOHIYA. Karaniwang tinutuklas o nililikha ng mga tao ang isang teknolohiya para magamit sa kanilang mga pangangailangan sa buhay.Ilan sa mga naimbentong sinaunang
TEKNOLOHIYA ng mga tao ang pagpapadaloy ng tubig mula ilog papuntang taniman, irigasyon ang tawag dito, kung hindi naimbento ng mga tao ito ay magiging imposible ang kanilang pagtatanim sa mga lugar na hindi abot ng katubigan at magiging imposible din ang paninirahan nila sa isang pamayanan.
Ilan pa sa mga pagbabagong naganap sa panahong ito ay ang mga bagong pamamaraan ng paggawa ng mga kagamitang bato.
|
Hinasang punyal na gawa sa bato |
Lahat ng mga kagamitang bato sa panahong ito ay higit na matitibay at matitigas. Isa sa mga dahilan ay dahil ang mga ito ay hinahasa upang tumibay at tumalas. Halimbawa ang mga ararong ginagamit nila noon para pambungkal ng lupa ay gawa sa mga matitigas na bato na hinasa para maghugis araro. Ang mga sibat, punyal at dulo ng mga pana ay hinuhugisan at pinatatalas gamit ang isang hasaan. Ang hasaang bato ay maituturing na isang mataas na teknolohiya noong panahong neolitiko, isa ito sa mga imbensyon ng mga neolitikong tao na nagpagaang sa kanilang pamumuhay.
ANG PAKIKIPAGKALAKALAN NG MGA TAO
Ang mga pamayanang neolitiko ay kumalat sa kanlurang bahagi ng Asya. Hindi lahat ay naging maunlad ang pamumuhay kaya naimbento ng mga tao ang konsepto ng pagpapalitan ng mga produkto.
Ang kakulangan ng isang pamayanan sa pagkain at kagamitan ay maaaring
mapuno gamit ang pagpapalitan ng produkto. Ang tawag sa sistemang ito ng
pagpapalitan ng produkto ay BARTER, isinasagawa sa pamamagitan ng
PAKIKIPAG KALAKALAN kung saan maaari mong dalhin sa isang
pamilihan ang iyong produkto para makipagpalitan ng iyong mga pangangailangan o pangangailangan ng iyong pamayanan.
|
Rutang pangkalakalan agrikultural noong panahon ng Neolitiko |
Umunlad ang ganitong sistema ng pakikipagpalitan ng mga tao na humantong sa pagunlad ng isang pamayanan. Umunlad sapagkat ito ang naging sentro ng kalakalan sa isang lugar. Karaniwang mayaman sa mataas na antas ng teknolohiya ang isang pamayanang nagiging sentro ng kalakalan. Dahil may kakayahan silang tumuklas ng mga makabagong teknolohiya ay kaya din nilang palakihin at paramihin ang kanilang mga gawa at mga ani na nagreresulta sa pagkakaroon ng mga
surplus na kagamitan at pagkain. Ang mga surplus na kagamitan at pagkain ang hinahango naman ng ibang tao at iniuuwi sa kanilang mga pamayanan.
|
Ang mayamang lungsod ng SUMER, naging sentro ng kalakalan sa Mesopotamia, ang sinasabing unang lungsod na nakarating sa antas ng pagiging Kabihasnan sa buong Asya |
Hindi lahat ng pamayanan noong panahong neolitiko ay umunlad. Tanging ang mga pamayanang naging sentro lamang ng kalakalan ang siyang naging maunlad at nakarating sa antas ng pagiging
sibilisado at nakapagtatag ng kanilang
kabihasnan.
***
SOURCE:
1. WORLD HISTORY: Perspective on the past By: DC Health
2. National Geographic Channel: Birth of Civilization
maraming salamat dito mayroon na akong dagdag kaalaman sa presentation ko
TumugonBurahin